Blog Ong

NOON AT NGAYON: Kwentong OFW

Nobyembre 22, 2009 · 1 Puna

Bata pa ako ng mangibang bansa ang mama ko sa Kuwait. Naalala ko pa noon, isang beses lang kami makatanggap ng sulat mula sa kanya sa loob ng isang buwan, minsan wala pa. Naiintindihan naman yun ng mga kapatid ko at ng papa ko kasi hindi pa ganun “ka-hayteks” ang komunikasyon noon. Bata pa kasi ako noon kaya wala pa akong pakialam.

Naisipan kong balikan ang mga araw na iyon, ngayong ang tatlong kapatid ko naman ang nasa bansa na dati ay ang ina namin ay doon naghahanapbuhay. Ang mga ito ay base na rin sa mga kuwento ng mga kapatid ko nung may isip na ako. Marahil ganito rin ang karanasan ng karamihan sa atin na ang mga kamag-anak ay nasa ibang bansa. Ito ay aplikable sa mga kamag-anak natin na OFW na matagal namamalagi sa ibang bansa upang maghanapbuhay.

1. Noon, isang beses lang sa isang buwan nakakatawag ang mga kamag-anak natin sa ibang bansa dito sa Pinas. Minsan hindi pa sapagkat mahal ang long distance o overseas call noon.

Ngayon, isang beses o mas maraming beses na sila nakakatawag sa atin. Minsan, araw-araw pa. Ito ay sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya tulad ng internet, mobile phones, at iba pang makabagong teknolohiyang pangkomunikasyon.

2. Noon, isang beses lang tayo nakakatanggap ng sulat mula sa kanila sa loob ng isang buwan. Minsan, wala pa.

Ngayon, minu-minuto pwede na tayong makatanggap ng balita mula sa kanila sa pamamagitan ng text, email, chat, at pwede rin sa facebook, friendster, my space, at iba pa.

3. Noon, aabutin ng isa o dalawang taon o higit pa bago natin sila ulit makita. Kaya naman hindi natin alam kung may nagbago na ba sa itsura nila. Di natin alam kung tumaba o pumayat na sila, pumuti o mas lalong umitim ang balat, at gumanda o mas lalong pumangit.

Ngayon, sa pamamagitan ng webcam at video calls nakikita na natin sila araw-araw. Nakikita rin natin kung ano ang itsura ng loob at maging labas ng kanilang tirahan. Sa pamamagitan nito hindi na tayo madalas mag-alala kung may maayos ba silang bahay.

4. Noon, mga simpleng laruan at gamit lamang ang gustong matanggap ng mga bata na “padala” mula sa mga kamag-anak sa ibang bansa. Simpleng kotse-kotsehan, robot, sapatos na umiilaw, at digital na relo.

Ngayon, mga mamahaling laruan na ang gusto nilang matanggap, tulad ng PSP, Gameboy, Xbox, Wii, at mga all-in-one na cellphones.

5. Noon, pahirapan ang pagpapadala ng pera, sustento, allowance, at “padala” kung tawagin. Minsan, hindi pa ito cash na matatanggap kundi cheke pa ito. Kailangan mo pang hintayin na i-clear ng bangko.

Ngayon, sa loob ng 24-oras matatanggap mo na ang padala ng mga kamag-anak mula sa ibang bansa.

6. Noon, isang beses sa isang buwan o isang taon lamang tayo makatanggap ng mga pictures ng mga kamag-anak natin sa ibang bansa. Minsan, isa, dalawa, o tatlo lamang ang kaya nilang ipadala sa pamamagitan ng “snail-mail” dahil mahal ang pagpapadala. Naalala ko pa yung mga simpleng message na nakasulat sa likod ng bawat larawan.

Ngayon, sa pamamagitan ng friendster, facebook, my space at iba pa, pwede na natin makita ang pinaka-latest nilang mga pictures na in-upload at meron na rin description o caption sa bawat larawan. Pwede na rin magpadala ng mga pictures sa pamamagitan ng cellphone.

7. Noon, hindi natin alam kung nasa ibang bansa na rin ang iba pa nating kamag-anak o mga kaibigan. Saka na lamang natin malalaman kapag meron makapagsabi sa atin.

Ngayon, pwedeng-pwede na natin malaman kung nasaan bahagi ng mundo sila naroon sa pamamagitan ng Twitter, Facebook, at iba pang social network site sa internet. Nalalaman din natin kung ano ang latest sa kanila at maging ang kanilang mga hanapbuhay at ginagawa araw-araw.

8. Noon, hindi makapagpahayag ng kanilang isipan at damdamin ang mga kababayan nating OFW sa ibang bansa tungkol sa mga pangyayaring politikal, ekonomiya, sosyal at kultural sapagkat wala silang magamit na paraan.

Ngayon, sa pamamagitan ng blog at free websites, pwedeng-pwede na silang makapagpahayag ng sariling opinyon, makapagkwento ng sariling karanasan sa ibang bansa upang ibahagi sa buong mundo, at maibahagi ang kanilang mga magagandang ideya sa kapwa pinoy.

9. Noon, sa pamamagitan lamang ng “penpal” nakikipagkaibigan ang mga OFW upang makipagkaibigan sa kapwa Pinoy o sa mga dayuhan.

Ngayon, meron ng ibat-ibang paraan ng pakikipagkaibigan. Pwedeng email-pal, facebook-pal, twitter-pal, at text-pal o textmate. Pwede na ring realtime o online ang pakikpagkaibigan sa pamamagitan ng video call at webcams.

10. Noon, sabi nila, masaya ang mga nakakatanggap ng pera dito sa Pinas mula sa padala ng mga kamag-anak sa ibang bansa sapagkat mataas pa ang palitan ng dolyar at piso noon at mababa pa ang presyo ng mga bilihin.

Ngayon, hindi na sila ganun kasaya sapagkat bukod sa mababa na ang palitan ng pera, mataas na ang presyo ng mga bilihin at serbisy.

Marami pang NOON at NGAYON na eksena na pwedeng idagdag sa mga naisulat ko. Kung nais ninyong dagdagan ang mga ito, PWEDE NINYONG IBAHAGI, AT ILAGAY ITO BILANG INYONG KOMENTO sa ibaba.

→ 1 PunaMga Kategoriya: OFW by Blog Ong

Balang-araw singilin natin sila!!! (Part 1)

Nobyembre 18, 2009 · Mag-iwan ng Puna

Gilbert Teodoro: “Galing at Talino “ daw ang susi sa mabilis na pag-ahon ng mga mahihirap. Nasa kanya daw ang dalawang ito, balang-araw malalaman din natin. LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

Chiz Escudero: “May bagong umagang darating”, ito ang kanyang pangako sa Pilipinas. Ano kaya ang bago sa umagang darating kapag siya na ang Presidente? LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

Manny Villar: “Kala mo…”, ito ang linya niya sa kanyang advertisement. Pero ika nga eh, maraming namamatay at naloloko sa maling akala. “Akala mo lang yun…” LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

Nota: itutuloy para sa iba pang mga kandidato para sa 2010 election.


→ Mag-iwan ng PunaMga Kategoriya: Let the VIDEO TALKS by ITSELF.

Pacman-24

Nobyembre 11, 2009 · Mga Puna

pacquiaocottoposter3_111409Si Pacman na yat ang pinakasikat na boksingero sa kasaysayan ng Philippine at World Boxing. Pagkatapos nyang bugbugin si Miguel Cotto at manalo sa laban, mas lalo pang naging tanyag si Pacman hindi lang sa Pinas kundi sa buong mundo.

Ngunit sa taglay na katanyagan ni Pacquiao, may mga simpleng bagay sa kanya na sigurado akong marami ang hindi pa nakakaalam.

Nabasa ko lang ito sa isang news ng Philstar.com na may pamagat na 24 THINGS YOU WANT TO KNOW ABOUT PACMAN na isinulat ni Mr. Butch Francisco noong August 13, 2009. Ito ay mula sa pakikipanayam ni Mr. Francisco kay Mrs. Jinkee Pacquio (asawa ni Pacman)

1. Gintong kwintas ang pinaka-unang regalo ni Pacquiao kay Jinkee. Pero dahil sa hindi pa milyonaryo si Pacman noon, ito’y isang simple at ordinaryong kwintas lamang.

2. Takot si Pacman sa ipis! Maniwala kayo o hindi, gaano man katapang si Pacman sa pakikipagsuntukan, ganun siya kaduwag pagdating sa ipis.

3. Si Pacman ay isang “resident comic”. “Kahit galit ako, kayang-kaya niya akong patawanin”, sabi ni Jinkee.

4. Nagagalit si Pacman kapag nale-late (nahuhuli) sa pag-uwi si Jinkee. Lalo na kapag mas nauunang umuwi si Pacman kaysa sa kanya. (Kahit naman siguro sinong lalaki. :)

5. Nagseselos si Pacman kapag napapansin niyang nagpapaganda si Jinkee. Madalas niyang kinakamusta si Jinkee at inaalam kung sino ang mga kasama niya. Ang hindi alam ni Pacman, kung lalabas man si Jinkee na may kasamang mga lalaki – mga bading yun.

6. Madaling malungkot si Pacman kapag nag-aaway sila ni Jinkee at hindi niya masuyo ang kanyang asawa.

7. Ang paboritong ulam ni Pacman na inihahanda ni Jinkee ay Tinolang Manok na may maraming malunggay. Gustong-gusto rin niya ang kare-kare.

8. Kinakain lahat ni Pacquiao ang lahat ng pagkain na ipinapadala ni Mommy Dionisia sa kanya.

9. Asul (blue) ang paboritong kulay ni Pacman.

10. Isang asul na Banana Republic T-shirt ang paboritong damit ni Pacman.

11. Umaabot si Pacman ng halos 20 minuto sa paliligo sa loob ng bathroom.

12. Naka-boxer shorts si Pacman kapag natutulog.

13. Nagpapabango pa ng cologne si Pacman bago siya matulog.

14. Madalas sa kanyang balikat natutulog si Jinkee.

15. Hindi nanununtok si Pacman sa kanyang mga anak. Pinagsasabihan lamang niya ang mga ito bilang pagdisiplina sa kanila. Madalas niyang sabihin sa kanyang mga anak kapag ayaw nila kumain na maswerte sila at meron silang  saganang pagkain, samantalang ang ibang bata nagugutom.

16. Tahimik lang si Pacman kapag nag-aaway sila ni Jinkee. Si Jinkee ang madalas maraming salita kapag nag-aaway sila.

17. Nag-vivideoke, nagbi-billiards, at tumatambay lang si Pacman sa bahay nila kung gusto niyang mag-relax.

18. Nagalit si Pacman ng unang magpagamot si Jinkee sa Belo Medical Clinic para magpasexy at magpaganda. Pero magaling si Jinkee sa pagpapaliwanag at nakumbinsi rin niya si Pacman. At ngayon, hindi na issue sa kanya ang pagpapaganda at pagpapasexy ni Jinkee sa pamamagitan ng Belo Medical Group at pumayag din siyang magpose kasama si Jinkee sa isang Belo Billboard.

19. Nananalangin si Pacman bago matulog at paggising sa umaga.

20. Mahal na mahal ni Pacman si Mommy Dionisia katulad ng sinumang mga lalaki sa kanilang ina, pero mas takot si Pacman  kay Jinkee kaysa kay Aling Dionisia.

21. Alam ni Pacman kung ang isang tao ay ginagamit lang siya dahil sa kanyang kayamanan at kapangyarihan.

22. Nagtitiwala si Pacman kay Jinkee pagdating sa mga taong “gumagamit” lang sa kanila. Hind niya kailangang sabihan ito sapagkat alam niya na matalino si Jinkee pagdating sa mga ganitong bagay.

23. Kay Jinkee ipinapasa ni Pacman ang mga taong may kailangan sa kanya, personal o ukol sa negosyo.

24. “Mas seksi at maganda si Jinkee ngayon pagkatapos ng kanyang Belo Treatments,” sabi ni Pacman.

Ayan, malamang ngayon niyo lang din nabasa ang mga ito.

Malaki ang tiwala natin kay Pacman at ito ang tunay na nagpapalakas sa kanya higit sa kanyang hindi mapantayang pagsasanay. Saludo ang bawat mamamayang Pilipino sa galing at tapang ni Pacman. SALUDO KAMI SA IYO! Congratultions mula kay Blog Ong!

→ 2 Mga PunaMga Kategoriya: Blog Ong Thinks

Now Showing: The Graduates (Blog Ong’s Graduation Ceremony)

Nobyembre 8, 2009 · Mga Puna

Pagkatapos malaman ng mga superfan ni Blog Ong na siya ay nagtapos na sa kursong Accounting sa Saint Louis University-Baguio noong November 7, 2009, dumagsa ang napakaraming email at request na gustong makita kung totoo nga bang nagtapos na sa kolehiyo si Blog Ong. O siya, eto na… LET THE VIDEO SPEAKS BY ITSELF.

→ 8 Mga PunaMga Kategoriya: Let the VIDEO TALKS by ITSELF.

Yoohoo! Graduate na si Blog Ong!!!

Nobyembre 5, 2009 · Mga Puna

graduation_2Ika nga eh, pagkahirap-hirap man daw magkamit ng edukasyon, sa graduation din ang tuloy!!!

Oo, tama, pagkatapos ng limang taon ng pagsusunog ng kilay (kaka-blog, este kaka-aral) ni Blog Ong, sa wakas makakamit na niya ang pangarap niyang diploma. Magtatapos siya sa sabado (November 7, 2009) sa pahirap na kursong Accounting sa Saint Louis University (Baguio). Kurso ng mga bored sa numbers!!!

Gusto kong pasalamatan ang aking mga kapatid at ina (patay na ang ama ko) na totoong naghirap dahil sa aking gastusin (kasama na ang mga kupit dun! hahaha). Kung hindi dahil sa kanila hindi ako makakatapos ng pag-aaral. (Yan kasi di niyo ako pinayagang mag-working student! Nanisi pa? hehehe) Malaking utang na loob ko ito sa inyong lahat.

Hindi ko rin syempre makakalimutan ang mga kaibigan ko na walang ibang ginawa kundi mangopya ng assignments ko, vice versa! Sila ang naging takbuhan ko kapag wala akong…. wala akong sagot sa assignments ko! Sila yung pwede mong takbuhan kapag…kapag andyan na sila mangungutang sa iyo! Sila yung pwede mong mapagsabihan ng sama ng loob mo sa instructor mong nambagsak sa iyo! At higit sa lahat maaasahan sila sa lahat ng oras lalo na pagdating sa kainan! Walang urungan, walang iwanan, kapag pagkain ang pinag-uusapan!

Sasamantalahin ko na rin pasalamatan (plastik! hehe) ang mga instructor kong sobrang babait! Ang kabaitan ay iba ang level. Yung tipong tinoturture ka para matuto. Yung tipong hindi ka na makatulog sa gabi dahil sa nerbiyos baka bumagsak ka sa subject nila. Ganun sila kabait! Ganun nila kami minamahal na mga estudyante nila. They care so much about our future kasi! Kung hindi nila gagawin yun, sigurado lagapak kami sa CPA Board Exam pagdating ng araw! Kaya sa inyong lahat, MARAMING SALAMAT!

Higit sa lahat, hinding hindi ko makakalimutan na pasalamatan ang Diyos na aking naging takbuhan sa lahat ng oras. Kung ano man ang naabot ko ngayon, wala akong aariing akin sapagkat ang lahat ay galing sa Kanya, kinasangkapan lamang ako upang ipakita na totoo Siya at minamahal niya ang kanyang mga nilalang. Ang tagumpay na ito ay aking nakamit hindi dahil sa ito’y hiniling ko sa Kanya kundi ito’y binigay Niya dulot ng Kanyang wagas na pag-ibig. Totoo, ang bawat panalangin ay sinasagot ng Diyos, kung hindi man ngayon, pagdating ng araw, magtiwala lang tayo sa Kanya.

Sa inyong lahat na naging bahagi ng tagumpay ni Blog Ong sa pag-aaral, MARAMING MARAMING SALAMAT!!!

→ 8 Mga PunaMga Kategoriya: Blog Ong Thinks

Sayt Si-ing*

Nobyembre 5, 2009 · Mga Puna

2910939797_a471893e26Isa…dalawa…isa nalang. Whew! Narating ko na rin ulit. Limang taon ko din itong ginagawa. Bukas, baka hindi ko na ito maranasan. Sapagkat bukas, graduation ko na.

Katulad ng dati, diretso ako sa paborito kong tambayan….sa CR. Sa CR (sa ika-sampu na palapag) ng pinakamatayug na bahagi ng Unibesidad ni San Louis….ang tanyag na Charles Vath Library.  Nakatayo ito sa gitna ng unibersidad at ito ang pinakamataas sa lahat ng gusali sa campus. Paborito ko dito sapagkat dito, “Ako ang Hari!” Hawak ko ang buong kaharian ng unibersidad. Tanaw ko ang bawat kawal sa ibaba ng pinakamatayug kong kaharian. Nakikita ko ang kilos ng bawat kawal sa ibaba ng aking templo.

At katulad ng dati, nag-aambisyon na naman ako. Nangangarap. Nag-iilusyon. Nag-iisip. Kaya nga ako naging Louisian eh, sapagkat natural sa akin ang pagiging ambisyoso!

Ito ang paborito kong gawin kapag nasa CR ako ni kuya Charles Vath…ang mag-site seeing sa kaharian ng Unibersidad ni San Louis. Sapagkat dito natatanaw ko ang lahat ng kilos ng bawat tao na nasa ibaba, lahat ng matatayog na kolehiyo sa paligid, at ang mga Enriquez Bros. (mga sekyu) na nanghuhuli ng mga estudyanteng di nakasuot ang I.D.

Dito natatanaw ko din ang mga estudyante na ginagawang concert ground at studio  ang buong paligid ng unibersidad upang magpraktis ng kung anu-ano. May nagsasayaw, may uma-akting, may kumakanta, may nag-aala-Mike Enriquez, at may tumatambling. Dito sila kumukuha ng Masterals in Dancing, Singing, Acting, Reporting, at lahat na ng pasakit para lang maipasa ang kanilang mga minor subjects. Alam ko kasi naging Freshman din naman ako.

“Tang…tang…the angel of the lord…” biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo pati na ang mga tao sa ibaba. Ang gumalaw, walang galang sa 12 o’clock habit ng SLU…ang Angelus. Ang gumalaw huhulihin ng mga sekyu. Pag nagkataong lumindol sa oras na ito, siguradong tigok ka sapagkat wala kang kalayaang kumilos hanggat di natatapos ang dasal. Ganito rin ang eksena kapag alas-sais ng gabi. Kahit late ka na sa klase mo kailangan mo magbigay galang sa ilang minutong katahimikan.

Amen…natapos din. Tuloy ang ikot ng mundo.

Natatanaw ko mula dito ang kontrobersyal na Giant Steps. Ito lang ang lugar sa unibersidad na hindi lihim pero maraming nangyayaring kababalaghan. Ito ang exchange market ng unibersidad. Mula exchange ng tsismis, assignments, leakage sa exam hanggang sa tanyag na Prosti-tuition.

May katotohanan man o wala ang tungkol sa Prosti-Tuition ito ay isang maingay na usapin sa unibersidad. May mga estudyante na nagbebenta ng seks kapalit ng pambayad sa tuition fee nila. Madalas mga babae ang biktima, minsan naman mga lalaki at mga bakla ang nambibiktima. Kung wala itong katotohanan, marahil hindi ito pinag-uusapan.

Inilipat ko ang aking tanaw sa mga gates ng unibersidad. Nakikita ko mula dito ang mga nagmamadali, naguunahan, nagsisiksikan at mga male-late ng mga estudyante. Tanaw ko ang mga nakaiwan ng ID na hindi nakaligtas sa matalas na mata ng mga Enriquez. Namumudmod sila ng ticket. Mabuti sana kung libreng movie ticket. Hindi! Ticket papuntang SAO (Students Affairs Office). Dito kailangan mong pumila upang makakuha ng I.D Pass kasama ang mga katulad mong ulyanin pagdating sa ID. Malas mo lang kung umabot hanggang loob ng Chapel (na kaharap ng SAO) ang pila…sigurado male-late ka.

Ang laki na ng ipinagbago ng SLU sa loob ng limang taon. Naging makulay ang paligid at mga gusali. Konektado na ang bawat kolehiyo. Hindi na magmumukhang basang sisiw ang mga estudyante kapag bumabagyo kahit mangingibang kolehiyo sila.  Ngunit nakakalungkot din sapagkat ang nakikita ko lamang ay ang panlabas na kaanyuan ng aking paaralan. Sapagkat laganap pa rin ang permanenteng dumi sa dingding. Ito ay hindi dahil sa kapabayaan ng unibersidad kundi dahil na rin sa kawalang disiplina ng ilang estudyante. Hindi nagkulang ang unibersidad sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanyang mga ari-arian ngunit sadyang may mga nilalang lang talaga na ginagawang intermediate pad ang dingding, mga upuan, lamesa, at blackboard. Nakita ko ulit ang pinakapaborito kong basahin na dumi kapag umiihi ako…“I Hate Vandalism”.

Hindi ko makakalimutan ang mga sandaling ito. Magiging bahagi na ito ng aking buhay. Sapagkat dito sa lugar na ito, naging hari ako. Ako ang emperor sa loob ng limang taon (humaba dahil sa lintik na Advanced Accounting, hehe). Dito ako nagsanay ng aking utak. Dito ko hinasa ang aking mga sandata sa nalalapit kong pakikipagsapalaran sa panibagong kaharian. Ngunit salamat kay Charles Vath at kay San Louis kasi iminulat nila sa akin ang katotohanang, kung gusto kong maging hari, kailangan kong magkaroon ng mataas na pangarap ngunit dapat manatili ang aking paningin sa ibaba…kung saan ako nanggaling.

__________________
*This is one of my official entry to Saint Louis University’s 100 Stories Book for 2011 in its celebration for its 100th year of existence. Some lines have been added to this post to make the story clearer.

→ 4 Mga PunaMga Kategoriya: Blog Ong Thinks · Kuwaderno

Ipagkakait mo ba ang Iyong isang minuto para dito?

Nobyembre 2, 2009 · Mga Puna

doveAma namin, purihin ang dakila mong Pangalan,
Sapagkat nananatili sa aming puso ang kabutihan ng Iyong pag-ibig,
Sa kabila ng aming karumihan at mga kasalanan,
Nananatili Kang mapagpahinuhod sa Amin,
Nagawa naming lumayo sa Iyo, ngunit Kami’y lagi Mong hinihintay,
Nagawa naming magkasala, ngunit lagi Kang nagpapatawad,
Nagawa naming magtaksil, ngunit tapat ang Iyong pangunawa.

Nahihiya kaming lumapit sa Iyo, sapagkat kami ay marumi,
Ngunit niyayakap mo kami ng Iyong wagas na pag-ibig.
Nagbibigay Ka sa amin ng aming mga kailangan sa araw-araw,
Ngunit nagagamit namin ito sa masama.
Nagbibigay Ka sa amin ng buhay at lakas,
Ngunit madalas hindi Ka namin naaalalang pasalamatan.
Sa kabila ng mga ito, hindi Ka nagalit sa amin.
Hindi Ka nanghingi ng anumang kapalit,
Kundi ang pagsisihan lamang namin ang aming mga kasalanan.

Patawarin mo kami dakila naming Ama,
Hindi namin sinasadya ang magkasala sa Iyo,
Pinagsisisihan namin ang aming mga kasalanan,
Linisin mo sanang muli ang marumi naming puso at kaluluwa,
Upang kami ay maging dapat sa Iyo.

Paki-usap namin, iunat Mo ang Iyong Dakilang mga kamay,
Sapagkat nais naming sumandal sa Iyo saglit,
Kailangan namin ngayon ng lakas, Huwag mo sana kaming itatakwil,
Yakapin mo kami ng mahigpit, sapagkat lumalakas kami sa piling Mo,
Pahirin mo ang luha sa aming mga mata, Ibsan mo ang aming mga hirap,
Pakiusap namin, Huwag mo kaming bibitawan.

Gusto naming maglambing sa Iyo Ama, katulad ng isang maliit na bata,
Ipinapakita naming kami’y malalakas, ngunit alam Mong kami’y mahina,
Nasasabik kaming maramdaman ang yakap ng isang nagmamahal sa amin,
At nasasabik kami sa Iyong dakila at wagas na pagmamahal.

Gusto naming ipikit ang aming mga mata sa Iyong pagyakap,
Sapagkat alam namin sa pagbukas ng aming mga mata,
Makikita na naman namin ang kasamaan, kaguluhan at kahirapan ng mundo,
Kahit saglit lang kami sa piling ng Iyong mga kamay,
Sapat na iyon upang kami’y muling lumakas.

Lakip naming ipinapanalangin, ang mga yumao naming mga minamahal,
Ipasumpong mo sa kanila ang kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa,
Gayundin ang kapayapaan ng kanilang mga iniwang pamilya.

Huwag nawa ang kalooban namin ang masunod,
Kundi ang dakila mong pag-ibig,
Maghari nawa ang kalooban Mo dito sa lupa ng para ng sa Langit,
Ipagitna mo sa aming pamilya ang kabutihan ng Iyong puso,
Upang magkaroon kaming lagi na ng lakas upang Ika’y aming paglingkuran.

Salamat muli dakila naming Ama,
Sa kaunting sandali, nadama namin ang kadakilaan ng Iyong pag-ibig,
Muli kaming mangangako na kami’y susunod sa Iyong mga salita,
Sapagkat dito Ka nalulugod.

Sa gitna ng mga pagkakamali, kami’y di matatakot bumangon,
Sapagkat alam namin na nandyan Kayo upang kami’y alalayan,
Kaya naman ipinagkakatiwala namin ang lahat sa Iyo.
Purihin ang Iyong Dakilang Pangalan.

Ang lahat ng ito ay aming hinihiling at inaalay sa pangalan ng aming Panginoong Jesus.

Amen.

→ 4 Mga PunaMga Kategoriya: Blog Ong Thinks

2009 Halloween Special: Tignan natin ang tapang mo!!!

Oktubre 30, 2009 · Mga Puna

Naniniwala ka ba sa mga multo? Ito ba ay kathang isip lamang o may katotohanan? Panuorin ang video na ito upang malaman ang kasagutan. LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

Babala: Ang mga sumusunod na video ay naglalaman ng mga nakakatakot na mga pangyayari.

→ 4 Mga PunaMga Kategoriya: Let the VIDEO TALKS by ITSELF.

2009 Halloween Special: ASWANG at MAMBABARANG, totoo ba ito?

Oktubre 30, 2009 · 1 Puna

Totoo man o hindi, ang mga aswang, manananggal, kapre, mangkukulam, at mga mababarang ay bahagi na ng kultura, tradisyon at paniniwala ng mga Pilipino. Ang mga sumusunod na video ng REPORTER’S NOTEBOOK ng GMA ay muling sasariwain at aalamin ang katotohanan sa likod ng mga kuwentong ito. LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

PART 1

PART 2

PART 3

PART 4

PART 5

PART 6

→ 1 PunaMga Kategoriya: Let the VIDEO TALKS by ITSELF.

Umaatikabong Pu**ng In* Mo!

Oktubre 28, 2009 · Mga Puna

Babala: Ang video na ito ay naglalaman ng mga sensitibong  salita na hindi angkop sa mga bata at sa mga taong hindi sanay makarinig ng ganito.

Minsan, kahit ayaw mo, napipilitan kang ikahiya ang kapwa mo Pilipino. Kahit ganito ang hirap ng buhay dito sa Pilipinas kung maayos ang pakikipagkapwa natin, walang halaga ang kayamanan sa mundo. LET THE VIDEO TALKS BY ITSELF.

Nota Bene: Ang video na ito ay hindi ko pagmamayari. Ito ay pagmamayari ng gumawa.

→ 2 Mga PunaMga Kategoriya: Let the VIDEO TALKS by ITSELF.