STRIKE 3

Ako si BLOG ONG!, Ang Kuwaderno ni BLOG ONG!, Blog Ong, Kwentong Jeep!

STRIKE 1

Maganda ang gising ko kahit kulang ako sa tulog noong isang araw. Katulad ng dati, kailangan ko gumising ng maaga upang pumasok sa trabaho. Inat-inat, luto ng almusal, kain, ligo, bihis at ready na ako pumasok. (Fast-forward)

Nakasakay na ako ng jeep sa pilahan. Di pa man nakakaalis ang jeep na sinasakyan ko, ang init na agad ng ulo ni Mamang Driver. Pilit kasing ginagawang siyaman ang walohang jeep. Nagkataon pang may sumakay na 1 ½ ang sukat ng katawan, ayon uminit ang ulo ng driver kasi bumaba ang dalawang pasahero dahil ayaw nila masikip na masasakyan. Wala ng gustong pumasok, napilitang umalis ang jeep na kulang ang sakay. Walang nagawa ang sumisigaw ng Mamang Driver kundi umalis na kulang ang sakay, lahat ng sakay ay nagmamadali.

Umandar na ang jeep. Makalipas ang pitong minuto at limampung segundo na pagtakbo, pumara ang isang binatilyo. Maporma at mukhang maraming pera. Mukhang may date dahil nagmamadaling bumaba. Maya-maya pa ay sumigaw ang hot-tempered na Mamang Driver, “Hoy! Di ka pa nagbabayad!” Nagkamali pala ako ng akala sa porma ng binatilyo. Hindi umandar ang jeep hanggat hindi lumalapit yung binatilyo na noon ay nasa kabilang kalsada na. Nagtalo na ang dalawa sa gitna ng kalsada habang ang mga kasunod naming jeep ay naghuhumiyaw na sa lakas ng busina. Biglang umeksena ang isang pasahero sa likod at sinabing, “Nagbayad na yan kanina! Ano ba, late na kami!”

Hindi ko alam kung nagbayad ba talaga ang mapormang binatilyo o hindi sapagkat hindi ko nakita. Ang sabi ko na lang, “Strike 1!”

STRIKE 2

Umalis kami sa eksenang yun na mas lalong mainit ang ulo ng Mamang Driver. Panay ang salita ng kung anu-anong di masikmurang mga salita. Kung pwede lang niyang balikan yung binatilyo upang basagin ang mukha pero wala na siyang magawa kundi magmura.

Maya-maya pa ay biglang pumara ang tatlong mama na mukhang mga construction workers dahil sa itsura, damit, at amoy nila. Malayo-layo na rin pala ang tinatakbo namin mula sa mapormang binatilyo na inakusahang di nagbayad.

Nakababa na ang tatlong mama ng, “Mga gago kayo! Makita ko lang kayo sa pila sa susunod, pagbabasagin ko mga pagmumukha ninyo!” Teka, teka ano naman ang nangyayari? (sabi ko sa isip ko.) Ano? Di na naman nagbayad yung tatlo? Hehe, mukhang minamalas ang Mamang Driver, nakapagsakay ng mga pasaherong suspek sa di pagbabayad ng pamasahe. As usual, walang nagawa ang Mamang Driver kundi ang patakbuhin ang jeep na sinasakyan namin sapagkat naka-GO na ang traffic light.

Nanggigigil na ang Mamang Driver dahil sa magkasunod na insidente ng di pagbabayad ng mga pasahero niya. (Ako din, di pa nagbabayad nung mga oras na yun.) Nararamdaman ko ang galit at pagkainis ng Mamang Driver, bumibilis na ang takbo ng jeep na sinasakyan namin. Wala na siyang sinasanto, pakiramdam ko nakasakay na ako sa isang Fast and the Furious na sasakyan. Dahil ito sa tatlong bugoy na di nagbayad ng pamasahe…strike 2!

STRIKE 3

Inilabas ko na ang wallet ko upang kumuha ng pamasahe. Galit na galit na ang driver, mukhang papatayin na niya lahat ng mga di pa nakakabayad. Gusto na niyang manigurado na lahat ng naiiwan na pasahero niya ay magbabayad. Nagsisipagabutan na ng bayad ang mga kasama kong pasahero. Natatakot na din siguro na mapatay ng Mamang Driver. Nanlilisik na ang mga mata nito at bawat kilos ng kanyang mga pasahero ay kitang kita niya sa salamin ng jeep. Lahat ng aakmang bababa ay nililingon niya upang makasiguro na nakabayad na ito bago bumaba.

Akmang iaabot ko na ang bayad ko ng ginitgit ng Mamang Driver ang isang jeep na nasa unahan namin. Isang centimetro na lang ang layo para masagi niya ang sasakyan. Natural ang jeep na nagitgit ay mag-iinit ang ulo. Ginitgit din ang jeep na sinasakyan namin. Yun nga lang natamaan niya ang side mirror ng Mamang Driver na umaapoy na sa galit. Naggitgitan ang dalawang jeep na parang TOKYO DRIFT. Kabado na ako sa susunod na mangyayari.

Hindi na nakapagpigil pa ang Mamang Driver at bumaba na ito at hinabol ang jeep na gumitgit sa kanya. Mabilis tumakbo ang Mamang Driver. Daig pa niya si Superman sa bilis. Gusto na niyang bumasag ng mukha at ilabas ang galit sa mga hindi nagbayad sa kanya ng pamasahe sa driver na ginigit niya na gumanti rin sa kanya. Nakakapit ito sa likod ng jeep na hinahabol niya. Natulala kaming lahat sa nakikita namin. Ng mahimasmasan ako, hindi ko pa rin pala naibababa ang aking kamay na nag-aabot ng pamasahe ko.

Nakakakaba ang mga sumunod na nangyari. Bigla na lang naming nakita na tumilapon sa jeep ang Mamang Driver. Sa di maipaliwanag na pangyayari, hindi namin alam kung paanong tumilapon siya sa bintana ng jeep. Maaaring pinagtulungan siyang ihulog ng mga pasahero ng jeep na hinabol niya o di kaya tumilapon siya habang gumigewang ang jeep na hinahabol niya. Mabuti na lang at walang sumusunod na jeep noon at tiyak napisak ang Mamang Driver sa gitna ng kalsada.

Bigla akong napatingin sa aking relo at nakita kong atrasado na ako sa aking biyahe. Kailangan ko ng gumalaw kung hindi ay male-late ako sa aking trabaho. Sa hindi maipaliwanag na pangyayari, bigla akong nagdesisyon na bumaba ng jeep at sumakay agad sa paparating na jeep.

Walang magandang idudulot ang pagiging mainitin ang ulo. Ika nga e hindi tayo nakakapagisip ng  maayos kapag galit tayo. Kaya naman maganda kung mapag-aralan natin ang pagiging kalmado sa lahat ng oras. Katulad ni Mamang Driver, maaaring nadigrasya sana siya sa pagkakataong yun pag nagkataon. Ng dahil lang sa siyete pesos na nawala sa kanya, na hindi rin naman niya sigurado kung nagbayad o hindi yung mga inakusahan niya, muntikan na siyang bawian ng buhay.

Sinasadya ko man o hindi, napaisip ako na tama lang na hindi ko naiabot ang pamasahe ko sa Mamang Driver, para maisip niya na habang umiinit ang ulo niya, mas lalong wala siyang makukuhang mabuti at mapapahamak lang siya.

Nadaanan namin ang Mamang Driver na pipilay-pilay pabalik sa jeep niya. Kung ano man ang mga sumunnod na nangyari pagkatapos nun, wala na akong pakialam. Bigla ko na lang nasambit sa aking isip habang papalayo na ang jeep na sinasakyan ko sa Mamang Driver na pabalik sa kanyang sasakyan… “STRIKE 3!.”

Advertisements

BABALA: Mag-ingat sa LAGLAG BARYA GANG!

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong

Txt…txt…txt. Wala akong pakialam sa mundo at sa mga taong sumasakay sa jeep na sinasakyan ko nung isang araw. Hindi ko inaasahan na may magaganap na drama at krimen sa araw na yun…sa loob ng jeep.

Binabaybay ng jeep ang kahabaan ng Marcos Highway sa Antipolo ng biglang may sumakay na limang lalaki. Ang tanging kapansin-pansin sa kanila bukod sa malalaki ang katawan, pare-parehas silang may dalang backpack bag. Wala ng maupuan pero nakipagsiksikan pa rin sila sa loob. Ang tatlo ay nakahanap naman ng masisiksikan, yung isang lalaki sumabit at ang isa pa ay pumwesto sa gitna. Tuloy ang buhay.  Wala pa rin akong pakialam.

Txt pa rin ako ng txt… ng biglang may nahulog kuno sa ilalim ng upuan yung isang lalaki na wala ng maupuan. Dito na nagumpisa ang drama. May hinahanap kuno yung lalaking nakatayo sa gitna ng jeep sa ilalim ng upuan sa may bandang harap kung saan nakaupo ang magiging biktima ng krimen. Hindi ko alam kung ano yung inilaglag pero may kunwaring hinahanap sa ilalim ng upuan. Mahirap gumalaw sapagkat siksikan sa loob ng jeep. Dahil sa sadyang matulungin ang ilang kapwa nating mga pinoy, hindi nakakapagtaka na may tumulong sa lalaki upang hanapin sa ilalim ng upuan yaong nalaglag na bagay (kung meron man talaga). Epektibo ang drama ng lalaking may hinahanap na kung ano. Nakabingwit siya ng isang biktima. Tinulungan siya ng isang ale na nasa bandang harapan. Ngunit sabi nga minsan, kung sino pa yung tumulong siya pa ang dehado at napagsasamantalahan.

Nakikiramdam na ako sa mga nangyayari sapagkat nakaramdam ako ng kakaiba sa dramang nagaganap sa loob ng jeep. Patuloy pa rin ang  paghahanap sa nahulog na bagay. Pinapakiramdaman ko na ang dalawang katabi ko sapagkat naging malikot ang nasa kanan ko. Maya-maya pa biglang pumara ang lalaking nasa gitna. Maaaring nahanap na niya ang nahulog na bagay sa ilalim ng upuan o baka sasakay na lang siya sa ibang jeep na mas maluwag. Ngunit nakakapagtaka, hindi sumunod ang apat pa niyang mga kasamang lalaki. Maaari bang hindi talaga niya ito mga kasama o may ibang dahilan kung bakit nagpaiwan ang mga ito?

Akala ko tapos na ang drama pero umpisa pa lang pala yun. Biglang sumigaw yung babae na tumulong dun sa lalaki bago pa man ito nakababa ng jeep. “SANDALI! NAWAWALA CELLPHONE KO!”, malakas na sigaw ng babaeng tumulong. Nagkagulo na sa loob ng jeep. Naalerto ang lahat ng pasahero sa sinabi ng babae. Ako din mahigpit ko ng hinawakan ang aking dalang cellphone tsaka wallet at nakiramdam sa mga susunod na mangyayari. Sumagot ang pababa ng lalaki, “BAKIT KO KUKUNIN ANG CELLPHONE MO? MAY SARILI AKONG CELLPHONE (sabay hugot sa cellphone na nasa bulsa niya). Bumaba na ng jeep yung lalaki na galit na galit pagkatapos niya itong sabihin . Umiiyak na ang ale na nawalan ng cellphone. Lahat din ng pasahero nagulat sa sinabi ng babae. Pero ako kahit wala akong pakialam kanina, alam kong may kakaibang nangyayari.

Maya-maya nagsalita ang ibang mga aktor sa dramang nagaganap. Kunwari ay nagagalit naman yung isang kasama nung lalaki na bumaba kanina at sinabing, “HABULIN MO NA! NAKAKAABALA KA SA BYAHE. PARE-PAREHO TAYONG NAGMAMADALI.” Sinegundahan naman ito ng isa pang lalaki na kasama nila kanina. Ganito rin ang sinabi nung lalaki na nakasabit, “HABULIN MO NA, AYUN PA SIYA (sabay turo sa lalaking nag-aabang na ng sasakyan)”. Nagtataka na ako, bakit ang mga lalaking yun lamang ang nag-uudyok sa babae kung ano ang dapat gawin.

Bumaba yung babae. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari sa pagitan nila nung lalaking hinabol niya. Malayo na ang jeep na sinasakyan  namin sa dalawa.

Samantala, ang mga naiwang aktor ay patuloy ang dialogo sa loob ng jeep at batid sa kanila ang lihim na nasa likod ng natapos na drama. Pinagmamasdan ko sila isa-isa lalo na yung lalaki na katabi nung babae kanina. Malikot ang mga mata at palinga-linga. Yung ibang lalaki nakangisi na parang may nililihim. Maya-maya nakarating na kami sa may bandang Ligaya ng pumara ang natitirang apat na lalaki. Noon ko napatunayan na tunay silang magkakasama…maaaring magkakasabwat din sa katatapos lang na krimen.

Tumakbo na ang jeep at iniisip ko ang mga nangyari…

Naaawa ako dun sa ale sapagkat naisip ko lang na mali ang lalaking hinabol niya. Hindi yung lalaking bumaba ang tunay na dumukot sa cellphone niya, kundi ang lalaking katabi niya. Posibleng sinamantala ng lalaking katabi nung babaeng nadukutan ang pagkakataong dukutin sa bag ng ale ang cellphone habang tinutulungan niya kanina yung lalaki na hanapin yung nahulog na bagay sa ilalim ng upuan. Sa pagkakataong yun, hindi alerto ang babae sa anumang posibilidad ng pandurukot. Mahaba ang pagkakataon nung lalaki na dumukot sa bag habang abala yung babae kanina na nakikipaghanapan sa nahulog na bagay sa ilalim ng upuan. Naging malikot naman ang ibang mga kasama nila sa kani-kanilang mga upuan upang hindi mapansin ng ibang mga pasahero ang nagaganap na pandurukot. Ginawa nila ito upang hindi matuon ang pansin nila sa nagaganap na krimen.

Samantala, posible rin na hindi sa pagkakataong ito naganap ang pandurukot. May posibilidad ding nadukutan na yung biktima bago pa man ito nakaupo kanina.  Magkakasunod kasi silang sumakay. Kumbaga, PLAN B na lang ng limang lalaki ang dramang naganap sa loob ng jeep kanina.  Sinamantala naman ng ibang aktor na pababain yung babae habang ito ay nasa estado pa ng pagkabigla sa pagkawala ng cellphone niya. Ngunit kung iisipin sa estilo ng kanilang ginawang pandurukot, mas mangingibabaw na modus operandi nila yung drama kanina.

Ito ang estilo ng mga LAGLAG BARYA GANG. Isang estilo ng pandurukot na gamit ang drama at pagsindak sa mga biktima. Ayun sa mga eksperto, ang bawat nilalang ay may posibilidad na nakatuon lang ang pansin sa isang bagay at hindi na ito alerto sa ibang bagay na nangyayari sa paligid. Kapag nabigla ang isang tao, aabot ng pito hanggang sampung segundo o mas matagal pa bago ito maging alerto ulit. Ito ang sinasamantala ng mga LAGLAG BARYA GANG na kahinaan ng mga tao na kanilang mga nabibiktima. At ang kaawa-awang babaeng nadukutan sa pagkakataong iyon ang perpektong halimbawa nito.

Ingat na lang.

Pinoy ka kung [dugtungan]…

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong, BLOG ONG Jokes!, OFW by Blog Ong

Kakaiba nga daw ang lahing Pinoy kumpara sa ibang mga lahi sa buong mundo. Ito ay sapagkat meron tayong mga ugali, kultura, mga katangian, mga ginagawa at sinasabi na sa atin lang nakikita. Kaya naman kapag nasa ibang bansa ang mga Pinoy talaga namang masasabi mong 100% Pinoy siya makita mo lang ang isa sa mga maraming katangiang ito. Narito ang ‘Top 50 Pinoy ka kung” ng mga pinoy.

PINOY KA KUNG…
1. Lumulingon ka kapag may sumisitsit.
2. Kaya mong magturo ng direksyon sa pamamagitan ng iyong nguso.
3. Gumagamit ka ng tabo sa paliligo.
4. Mahilig kang bumili ng “Sale” na item sa mall kahit hindi mo kailangan.
5. Nagkakamay ka kapag kumakain at hindi mo kailangan ang kutsara at tinidor.
6. “Prijider” ang tawag mo sa refrigerator.
7. May picture ng “The Last Supper” sa kusina niyo. at
8. May malaking dalawang malaking kutsara at tinidor na nakasabit sa dingding ng kusina niyo.
9. Naka-laminate ang diploma ng mga nakagraduate sa inyo.
10. May nakahilerang picture frames ng buong pamilya niyo na nakasabit sa dingding sa tabi ng hagdanan.
11. May walis ting-ting at walis tambo kayo sa bahay. Ito ang ginagamit na panlinis ng carpet kahit may vacuum cleaner.
12. Nagkakape ka habang kumakain ng tanghalian o hapunan.
13. Kumakain ka ng inihaw na dugo ng manok, adidas (paa ng manok), isaw ng manok, balun-balunan, at ulo ng manok.
14. Mahilig ka sa tingi. Tinging asukal, suka, tuyo, asin at iba pa.
15. Mahilig kang sumingit sa pila.
16. Navivideoke ka kapag sabado at linggo, pati na rin lunes, martes, miyerkules….araw-araw.
17. Mahilig kang dumura sa kalsada at umihi kung saan-saan.
18. Di mo nakakalimutang bumili ng souvenir item kapag nagbakasyon ka sa ibang lugar.
19. Umuusyoso ka kapag may aksidente.
20. Isinasawsaw mo sa kape ang tinapay.
21. Pumapalakpak ka kapag lumalapag ang eroplano sa airport.
22. Naliligo ka sa ulan at sa baha.
23. Kinukulob ang utot at pinapaamoy sa bata.
24. Hindi ka nahihiyang mangulangot gamit ang hintuturo. Bibilutin ang kulangot at pipitikin papunta sa kasama mo.
25. Mahilig kang mag-ipon ng mga botelya at gagamiting paglagyan ng asukal, kape, asin at iba pang gamit sa kusina.
26. Mahilig ka sa pirated cd’s at china products.
27. Bumibili ka ng ukay-ukay.
28. Kinakalong ang mga bata sa jeep at bus para hindi singilin ng pamasahe.
29. Nag-uuwi ka ng mga gamit sa hotel.
30. Tumatawad sa department store na parang nasa palengke ka lang.
31. Nagkakamot ka ng ulo at ngumingiti pag hindi mo alam ang sagot.
32. “Cutex” ang tawag mo sa nail polish, “Colgate” naman sa toothpaste.
33. Ayaw mong tanggalin ang plastic cover ng bagong bili mong sofa o sala set.
34. May uling sa loob ng refrigerator mo.
35. Pinapakain sa alagang aso at pusa ang natirang pagkain.
36. May eletric fan kang walang takip ang elisi.
37. May nakatabing bukod na pinggan, baso, kutsara at tinidor para sa mga bisita.
38. Mahilig kang magpapicture kasama ang nakitang artista sa mall.
39. Kaya mong makipagtext ng tuloy-tuloy hanggang madaling araw.
40. Paulit-ulit ang pangalan mo tulad ng Bong-Bong, Che-Che, Ton-Ton, at Mai-Mai.
41. Ginagamit mo ang sabong panlaba na panghugas ng pinggan.
42. Lagi kang huli sa lahat ng appointment mo.
43. Ginagamit mo ang iyong mga daliri sa pagsukat ng tubig sa ricecooker.
44. Ginagawa mong sabaw ang kape sa kanin.
45. Nilalagay ang sukling bentisingko sa tenga.
46. Binibilot ang ticket sa bus at isinisiksik kung saan-saan.
47. Nagpapabalot ka ng pagkain sa birthday party para iuwi.
48. Naguuwi ka ng mga tira-tirang buto at tinik sa birthday party para ipakain sa alagang aso at pusa.
49. Ugali mong umutang sa sari-sari store.
50. Pinoy ka kung sumasang-ayon ka sa lahat ng nabasa mo.

Marami pang puwedeng ilagay na Pinoy ka kung… na eksena. Pero inilalaan ko na ito sa iyo. Kung meron akong hindi nabanggit pwede mo itong ilagay bilang iyong komento sa ibaba. Ipagmalaki ang lahing Pinoy!

Ano ang itsura ng isang POKER FACE?

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong

Sino ang hindi nakakaalam o nakarinig sa sikat na kanta ni Lady Gaga na Poker Face? Laos ika nga ang taong hindi pa nakarinig ng sikat na kantang ito. Kahit nga mga bata ay alam na alam kung paano ito kantahin lalo na kung paano ito sayawin. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng Poker Face? Ano nga bang meron ang isang Poker Face? At ano ang itsura ng isang Poker Face?

Unang Anyo… The Gambler’s Face
Simple lang ang ibig sabihin ng Poker Face. Nakakita ka na ba ng mukhang walang bakas ng anumang ekspresyon? Isang mukha na walang anumang bahid ng emosyon, blanko at permanente ang anyo. Ito ang unang katangian ng isang Poker Face.

Ang Poker Face ay ginagamit ng mga gamblers o manunugal. Ginagamit itong diskarte sa isang sugal upang di malaman ng kalaban sa pamamagitan ng pagtingin sa ekpresyon ng iyong mukha ang hawak na baraha. Naitatago ng isang may Poker Face kung anong tunay na nilalaman ng kanyang hawak na mga baraha, alas man o dehadong baraha. Isang katotohanan kasi na nababasa sa mukha ng isang tao ang kanyang nararamdaman at iniisip. Pero hindi ito aplikable sa gumagamit ng isang Poker Face. Para itong maskara na hindi nagbabago ang anyo anuman ang kondisyon at sitwasyon sa paligid. Sa likod ng maskara ay ang tunay na mukha at iniisip ng may suot ng isang Poker Face.

Ikalawang Anyo… The Actor’s Face
Sa kabilang dako naman, pwede ring gamiting panlinlang ang isang Poker Face. Ito ang ekpresyon at emosyon ng mukha na hindi tugma sa totoong iniisip at nararamdamn. Ito ang isa pang anyo ng isang Poker Face. Isang peke at mapanlinlang na emosyon at ekspresyon ng mukha. Ito naman ang ginagamit na mukha ng mga taong may malalim na itinatagong emosyon sa kanilang dibdib. Maaari itong matinding pagkagalit, paghihiganti, kalungkutan, at pangungulila. Ngunit ayaw nila itong makita ng mga taong nasa paligid nila. Kaya naman nagpapanggap sila gamit ang isang anyo ng Poker Face.

Hindi mo alam kung malungkot, masaya, galit o naguguluhan ang may ari ng mukhang ito. Hindi mo alam kung ano ang iniisip o kung ano ang naglalaro sa isipan ng taong gumagamit ng ganitong Poker Face.

Akala mo masaya ang isang taong kaharap mo batay sa iyong sariling interpretasyon sa nakikita mo sa kanyang mukha pero maaaring hindi ito tugma sa tunay niyang iniisip at nararamdaman. Kaya naman madalas mong ipinapalagay na masaya ang taong kasama mo dahil sa ito ay tumatawa, nakangiti, at nakikipagbiruan ngunit kabaligtaran pala ito sa likod ng kanyang Poker Face.

Ikatlong anyo… The Devil behind an Angel’s Face
Ang dalawang katangian at anyo ng isang Poker Face na nabanggit ay maaaring kontrolin at gawin ng isang tao ayon sa kanyang gusto at layunin. Ngunit ang isa pang anyo ng isang Poker Face ay hindi maaaring kontrolin ng isang tao sapagkat ito ay permanente na sa kanyang anyo at mukha. Nasa kanya ang pagpapasya kung itutugma niya ito sa kanyang ugali o gagamitin niya ito upang itago ang kanyang tunay na anyo.

May mga taong likas na maamo at mala-anghel ang mukha. May mga taong pinagkalooban ng Diyos ng mukhang kasing-anyo ng kabutihan at kabaitan. Ngunit ang ugali ng isang tao ay hindi nakikita sa kanyang mukha. Ito ang isa pang anyo ng Poker Face.

May mga taong akala natin ay mabait dahil ito ang nakikita natin sa kanyang mukha. Maamo, mayumi at waring hindi makabasag pinggan. Ngunit isang katotohanan din na may mga taong maamo ang mukha ngunit hindi pala ito tugma sa tunay nilang ugali at pagkatao. Sa likod ng maamong mukha ay ang isang mabangis na tao. Sa likod ng mala-anghel na mukha ay nagtatago ang isang mukha ng demonyo. May mga tao din na ginagamit ang mukhang ito upang linlangin ang kapwa-tao at intensyonal na itago ang tunay na kaanyuan. Samakatuwid, anghel sa mukha, ngunit demonyo naman sa pag-uugali.

Ang hindi naitatago ng mukha…
Nakakaindak at nakakaaliw pakinggan ang kantang ito ni Lady Gaga. At sa bawat hibla ng kantang ito ay ang isang malalim na kahulugan at anyo ng isang Poker Face. Ngunit simple ang mensahe ng akdang ito, hindi sa mukha ng isang tao makikita ang tunay na anyo at kulay ng kanyang kaluluwa, sapagkat ang mukha ay isang mapanlinlang na bahagi ng katawan. Ngunit sa gitna ng isang mukha ay hindi kailanman pwedeng takpan ang mga mata na siyang bintana ng tunay na iniisip at nararamdaman ng isang tao.

Maaaring takpan ng isang maskara ang buong mukha, ngunit kailanman ang maskarang ito ay naglalaan pa rin ng butas para sa mga mata upang maapuhap ng isang taong may Poker Face ang kanyang bahagi sa patuloy pagikot ng kanyang buhay.

Nandito ka ba sa PILANG ito?

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong

Madalas nag-uumpisa ang araw natin sa pila at magtatapos din sa pila. Kasi naman, kahit saan na lang yata may pila. Ito ang kuwento ng araw-araw nating pakikipagbuno sa  mahaba, nakakagutom at nakakapagod na PILA.

Sa sakayan ng jeep may pila.  Madalas dito nag-uumpisa ang lahat ng pilang maaari mong danasin sa maghapon. Kung mamalasin kang maipit sa tinatawag na rush hour, maiipit ka sa mahabang pila ng mga pasahero ng jeep. Kailangan mo itong tiisin at ayaw mong masira ang araw mo ng umagang-umaga. Pagkatapos mong magtiis sa mahabang pila para makasakay ng jeep, ang mga jeep naman ang pipila sa daan sa tindi ng trapiko. Ayaw mo man pero nag-uumpisa ng uminit ang kanina ay malamig mo pang ulo. At pagkatapos mong maglakbay sa makupad ng daan dahil sa trapik, di nagtagal at nakarating ka din sa susunod mong sasakyan, ang LRT.

Bago ka makapasok sa LRT station (lalo na pag rush hours) kailangan  mo ulit pumila. At hindi lang yan, kapag nakapasok ka na sa loob ng istasyon, hindi ka pa rin makakaligtas sa pila sapagkat kailangan mo pa ring pumila para makabili ng ticket. At kapag nakabili ka na ng ticket, di pa rin tapos ang iyong pagpila sapagkat pipila ka pa rin sa pasukan kung saan i-scan ang ticket na binili mo para makapasok sa sakayan ng tren.

Ayos! Nakapanhik ka na rin sa taas at maghihintay ka na ng tren, syempre may pila pa rin. Ayan na ang tren at kailangan mo ulit pumila para makapasok. Buti na lang malamig sa loob ng tren at medyo lumamig ang ulo mo. E paano kung siksikan din sa loob at para kayong sardinas na pilit isiniksik sa loob ng lata?

Maya-maya pa tumunog na ang intercom ng piloto ng tren at sa wakas nakarating ka rin sa pupuntahan mo. Isa, dalawa, tatlo… gusto mo ng tumakbo para mauna pero imposible pala ang iniisip mo sapagkat kailangan mo pala ulit pumila para makalabas ng tren. Paglabas mo ng tren, di pa tapos ang pila sapagkat may pila pa rin bago makalabas ng istasyon.

Dahil sa inis mo, uminit ang puson mo at gusto mong umihi. Sana walang pila sa CR, bigla mong nasabi sa sarili mo. Pero malas mo lang kung nagkataong babae ka at siguradong may pila din. Kaya naman sabi nila mas marami daw babae kaysa sa mga lalaki ang may sakit na U.T.I o Urinary Tract Infection dahil sa kanilang pagpipigil ng kanilang ihi habang naghihintay sa pila sa CR. Wissssh! Wissssh! Sa wakas nakaihi ka din! Tuloy ang lakad!

Bigla mong naalala na hindi pala kasya ang perang dala mo. Inilabas mo ang iyong ATM Card para maka-withdraw ng pera. Buti na lang nakakita ka kaagad ng malapit na Automated Teller Machine (ATM). Pero bigla kang namutla sa nakita mo, MAY MAHABANG PILA PA RIN!

Matiyaga kang naghintay sapagkat kailangan mo talaga ng pera ngayon sapagkat kukuha ka ng mga requirements mo para sa papasukan mong trabaho tulad ng NBI Clearance, Police Clearance, Health Certificate mula sa City Hall at Mayor’s Permit. Hindi nakakapagtaka kung lilipas muna ang sampung dekada bago ka makauwi dahil sa tindi ng mga dadaanan mong pila bago mo makuha ang mga requirements na ito.

Pagkatapos ng sampung dekada ng matiyaga mong paghihintay sa pila, nakuha mo rin ang mga kailangan mong makuha para sa inaaplayang trabaho. Biglang tumunog ang celfone mo, nagtext ang nanay mo. Binasa mo ang text at may laman na ganitong mensahe: “Anak yung babayaran mo sa Meralco ha huwag mong kalimutang idaan. Umuwi ka ng maaga.” Gusto mong sumigaw dahil sa nabasa mo, hindi dahil sa wala kang pambayad kundi dahil naisip mo, MAY PILA ULIT DUN!

Marami pang eksena ang tulad nito. Naaalala mo pa kung gaano kahirap ang dinaraanan mong pila tuwing enrollment niyo sa skul nung nag-aaral ka pa. Ganito rin kapag kuhanan ng grades sa Registrar’s Office. E mas lalo na kapag nakakuha ka ng lagapak na grado, pila sa Dean’s Office, pila sa Registrar’s Office at pila sa Guidance Office. Naalala mo tuloy nung mga panahong lagi kang nahuhuli sa klase at hinaharang ng mga guwardiya at kailangan mong kumuha muna ng Admission Slip sa Student Affairs Office bago ka makapasok sa klase mo. Syempre, sandamakmak din pila ang naghihintay sa iyo.

Ganito rin ang naranasan mo nung sinubukan mong mag-apply ng trabaho sa ibang bansa. Mula pagkuha ng pasaporte hanggang sa pagkuha ng ibat-ibang requirements. Pila sa NBI, pila sa pagkuha ng Police Clearance, Cedula, Barangay Clearance, at pila sa Mayor’s Permit. Sa kabila ng mga hirap mong ito, nagkataon pang minalas ka dahil peke pala ang agency na napasukan mo para sa pangarap mong trabaho sa ibang bansa.

Sa dami ng naranasan mong ito, nasabi mo sa sarili mo:  “Kailan kaya ako mauuna sa pila na wala akong sinusundan at walang sumusunod sa akin?” Sa madaling sabi, kailan kaya mawawala ang lint*k na mga pilang ito sa Pilipinas!

Umuwi kang pagod na pagod at masakit ang iyong ulo at tiyan. Dala ito ng patong-patung na pagkainis mo, pagod at gutom na lumipas dahil sa dinaanan at naranasan mong pila. Nagmamadali kang pumunta sa CR niyo para makaraos pero bigla kang napahinto sa nakita mo. Sarado ang CR. May tao sa loob, nandun ang maldita mong kapatid. Kumatok ka at sabi mo: “Matagal ka pa ba diyan?” Biglang sumigaw ang maldita mong kapatid ng, “MAGHINTAY KA!”

Naibulong mo na lang sa iyong sarili, “HANGGANG DITO BA NAMAN MAY PILA!”

Ang pagkakaroon ng pila kahit saan mang dako ng Pilipinas tayo pumunta ay simbolo ng mabagal na pag-unlad ng ating bansa. Hanggat nakakaranas tayo ng pila magiging palatandaan ito ng mabagal na pag-usad ng ating ekonomiya at mabagal na serbisyo ng ating pamahalaan. Magiging tanda ito na hanggat may mga pila sa Pinas na hindi risonable, maraming oras ang nasasayang at maraming yaman ang napapakawalan.

Bakit mahilig sa LIBRE ang mga Pinoy?

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong

Kung meron mang isang bagay na sa tingin natin ay nakakabuti para sa ating mga Pilipino, ngunit hindi natin nauunawaan na nakasasama sa pag-unlad ng Pilipinas at pati na rin sa pag-uugali nating mga Pinoy ay ang pagiging mahilig natin sa LIBRE!

LIBRENG INANG-YAYA;
Tipikal na sa ating mga Pilipino, lalo na sa mga magulang na abala sa trabaho ang ipaalaga sa mga magulang, kapatid, o  kapitbahay ang kani-kanilang mga anak ng LIBRE o walang bayad. Minsan ipinapaalaga din sa ibang tao ang mga magulang na matanda na at di na kayang gumalaw ng mag-isa.

Madalas ang mga tagapag-alaga ay siyempre yung mga tambay o walang trabaho. Kung iisiping mabuti, maganda sana kung ito ay gawing isang uri ng hanapbuhay para sa mga Pinoy na walang trabaho. Hindi ba ang mga nagpapa-alaga ay dapat obligadong magbigay ng sahod sa mga tagapag-alaga? Sapagkat ang mga nagpapa-alaga ay kumikita, sumasahod at nakikinabang sa kanilang hanapbuhay samantalang hindi nakikinabang ang mga nag-aalaga sa kanilang mga anak o magulang. Isipin na lang natin kung ilang trabaho ang pwede nitong maidagdag at maibigay sa mga walang pinagkakakitaan.

Sa ibang bansa, kapag nagpaalaga ka ng iyong anak sa iyong ina, kapatid, o kapitbahay, obligado ka na bayaran ang oras at pagod na iginugol para sa iyong ipinaalaga. Ito ay sapagkat ang oras sana na iginugol sa iyong ipinaalaga ay dapat ginamit upang makapaghanapbuhay sa ibang paraan o di naman kaya ay ginamit upang makapagpahinga. Binibigyan nila ng marapat na pagpapahalaga ang oras ng bawat isa sa pamamagitan ng makatarungang pagbabayad sa serbisyo ng bawat isa. Kung nagagawa ito sa ibang bansa, maganda rin siguro na gawin ito sa Pilipinas.

FREE BOARD AND LODGING;
Likas din sa ating mga Pinoy ang magsiksikan sa isang bahay, lalo na yung mga kamag-anak natin na walang sariling tahanan o matitirahan. Bukod sa LIBRE ang pakikitira nila, madalas ang may-ari pa ng bahay ang sumasagot sa mga gastusin sa kuryente, pagkain, tubig at iba pang gastusin ng extended family. Ito ay isa ring kahayagan ng pagiging mahilig natin sa LIBRE. Ika nga e, FREE BOARD AND LODGING!

Ang perang ginagastos ng may-ari ng bahay ay kanyang pinaghirapang makuha ngunit ito ay gagastusin lamang ng LIBRE ng mga nakikitira. Hindi ba dapat na obligadong magbayad ang mga nakikipanirahan sa may-ari ng bahay kahit pa ito ay kamag-anak o kaibigan?

Walang pag-unlad sa ganitong sitwasyon sapagkat may ginagawang paggastos ngunit walang bumabalik na kita. Bukod sa nagiging mahirap ang buhay, ito ay hindi makatarungan para sa bumabalikat ng lahat ng gastusin ng pamilya. Sa ganitong paraan, tinuturuan din nating maging tamad at palaasa ang kapwa tao natin. Kaya naman, marapat lamang na magbayad katulad ng mga nangungupahan sa apartment, ang sinumang tao na makikitira sa ating bahay ng pamalagian o sa loob ng isang panahon na nararapat lamang na magbayad sila ng upa at iba pang gastusin tulad ng bayad sa kuryente, tubig, at pagkain.

O% INTEREST;
Mahilig din tayong magpautang ng LIBRE o walang interest lalong lalo na kapag ang umuutang ay kamag-anak, kaibigan, o malapit na kapitbahay natin. Ang pagpapautang ay isang bahagi na ng pakikipagkapwa-tao natin at isang paraan na rin ng pagtulong natin sa iba. Ngunit sa madalas na pagkakataon, ang ipinautang natin ay hindi nababayaran.

Kaya naman, dapat lamang nating isipin na kung sana ang ipinautang nating pera ay idineposito natin sa bangko o ginamit na puhunan sa negosyo ito ay kumita pa at tumubo. Kaya makatarungan lamang na magpatong din tayo ng interest sa bawat ipinapahiram nating pera sapagkat ito ay kabayaran sa panahong wala sa atin ang ating pera na sana ay nagamit natin sa ibang paraan upang lumago ito.

Walang pag-unlad sa isang pagpapautang na walang interest sapagkat ang pera ay hindi lumalago at hindi nagagamit upang kumita. Ang pagpapatong ng interest sa pautang ay simbolo na mahalaga ang panahong ipapahiram natin ang pera sa iba. Magbibigay din ito ng indikasyon sa umutang na ang pera ay ginagamit upang lumago at magdidikta ito sa umutang na kailangang maghanapbuhay upang mabayaran ang inutang.

MASAKIT BA ITO SA IYO?
Maaaring ang ilang pahayag na nasa itaas ay hindi sang-ayunan ng iba sapagkat sila ang madalas na tinutukoy ng artikulong ito. Sila kung baga ay yaong mga taong madalas nakikinabang sa mga libreng bagay at hindi sila ang biktima ng pananamantalang ito.

Marapat lamang na unawain din natin ang kalagayan ng mga taong nagmamalasakit para sa atin. Nararapat lamang na ibigay din natin sa kanila ang nararapat at makatarungang kompensasyon, sahod, interest at kabayaran sa ibinibigay nilang serbisyo para sa atin. Sa ganitong paraan nakakatulong na tayo sa ating kapwa, nakakapanatili pa tayo ng magandang kalakaran sa ating ekonomiya, at higit sa lahat napapaunlad natin ang isang magandang disiplina at pag-uugali.

Exclusive Post: PAALAM, KA ERDY

Ako si BLOG ONG!, Blog Ong

Tiyak, isa ang 2009 sa mga taon na hindi kailanman makakalimutan ng bawat tao, hindi lamang sa Pilipinas kundi ng buong mundo. Maraming mga pangyayari sa taon na ito na hindi madaling makalimutan, tanggapin, at unawain. Isa na rito ang pagkamatay ng mga prominente, mahahalaga, at maimpluwensiyang tao tulad ng dating Presidente Corazon Aquino, King of Pop Michael Jackson, at ang Tagapamahalang Pangkalahatan (Executive Minister) ng Iglesia ni Cristo, ang KAPATID NA ERANO G. MANALO.

Marami ang nabigla, nalungkot, at nagdalamhati ng ipahayag ng Iglesia ni Cristo sa telebisyon ang ukol sa pagkamatay ng Kapatid na Erano na kinikilalang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo. Maging ang mga hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo, pati na ang mga kilalang personalidad sa ating bansa, ay nakiramay at nakipagdalamhati sa pagkamatay ng isa sa pinakamaimpluwensiyang pangrelihiyong lider sa buong mundo.

Espesyal sa puso ng mga Iglesia ni Cristo ang Ka Erdy. Bakas ito sa maalab nilang pakikiramay sa kanyang pagyao. Dumagsa ang napakaraming mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa templo ng INC para lamang ipadama ang kanilang pagmamahal sa yumaong lider kahit sa huling sandali.

Bilang isang kaanib sa Iglesia Ni Cristo, ninais kong gumawa ng eksklusibong artikulo para kay Ka Erdy. Hindi man ako personal na nakapunta sa kanyang libing, taos puso po ang aking pakikiramay.

Ang video na nasa itaas ay naglalaman ng mga pahayag ng mga taong hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo bilang pakikiramay. Kung nais ninyong mapanuod ang kasaysayan sa buhay at pagyao ng Kapatid na Erano G. Manalo sundan lamang ang link na ito >>> THE LIFE OF KA ERDY.