The Fast and the Furious: Pinoy Drift, Patok na Jeep!

Blog Ong, BLOG ONG Short Thots!

“Ah, cubao, cubao, cubao, cubao….” ito ang unang eksena kasabay ng sumisipol na tambutso ng jeep na paparating. Sumisigaw ang isang konduktor na nakadungaw sa bintana sa harap ng jeep at nagtatawag ng mga pasaherong isasalang sa isang Death Race. Tas maririnig mo na ang malakas at dumadagundong na patugtog gawa ng astig na subwoofer  mula sa loob ng medyo mahaba, makulay, at astig na jeep na may disenyo ng kung tawagin ay PATOK!

Kung nais mo ng adventure drive o kung gusto mo makaranas ng mala-F1 Racing na biyahe, sigurado sasakay ka sa ganitong klaseng jeep. Pero kung isa kang nerbiyoso, madalas iniiwasan mo ang jeep na ito at magtitiis maghintay ng jeep na kakarag-karag. Yung tipong sampung taon muna ang lilipas bago ka makarating sa iyong paroroonan. Samantalang sa Patok na Jeep, makakarating ka sa iyong destinasyon in a speed of light!

Pero hindi lahat ng nakasakay sa loob ng Patok na Jeep ay gusto ng adventure. Madalas nga marami sa kanila ang mas nanaisin ng bumaba kung nalaman lang nilang Patok na Jeep pala yung nasakyan nila. Madalas ito yung mga matatanda na mataas ang nerbiyos. Meron din namang mga hindi matatanda, ito naman yung mga pasaherong marami pang pangarap sa buhay at ayaw pang matigok ng ganun-ganun na lang. Kaya naman hindi nakakapagtaka kung merong mga bumababa kahit hindi pa nakakarating sa pupuntahan at papara ng ibang jeep na hindi patok.

Habang tumatakbo ang Patok na Jeep, iba-iba ang nilalaman ng isip ng mga pasahero. Merong enjoy na enjoy sa napakabilis at “bumabangking” gumegewang na takbo ng jeep. Madalas ito yung mga teenager na mahilig sa race drift! Ordinaryo na rin kung sisigaw sila ng “whoooooo, astig! bangking pa!” habang ang iba  naman ay kulang na lang mapipi at mabaliko ang bakal na kinakapitan nila sa sobrang higpit ng kanilang kapit. Ang driver naman madalas nagpapasikat din sa kanyang drift na pinoy version.

Meron naman panay sign of the cross at natawag na yata lahat ng santo sa langit at halos mabasag na ang rosary sa higpit ng pagkakahawak dahil sa nadaramang nerbiyos habang tumatakbo ang Patok na Jeep. Meron naman minumura na ang driver dahil sa anumang sandali maaaring matigok lahat ang pasahero. Pero dahil sa makabasag-eardrum ang lakas ng patugtog ng jeep, hindi na ito naririnig ng driver at tuloy ang harurot. Talagang likas sa kanila ang pagiging kaskasero.

Magagawa mo lahat ng pagsisisi at pagmamakaawa sa Maykapal na huwag ka munang mamatay habang nakasakay ka dito. Sapagkat kung mamamatay ka, huwag naman sa Patok na Jeep. Lahat din ng klase ng pagmumura nasasambitla mo sa iyong isip habang gumegewang sa pagharurot ang jeep na sinasakyan mo. At madalas mo rin maisip na sa susunod hinding-hindi ka na sasakay sa patok at magtitiis ka na lang na mahuli sa pag-uwi huwag lang mapaaga ang iyong pagkamatay.

Sa kabilang banda, gustong-gusto naman itong sakyan ng mga nagmamadali. Yung mga nagmamadaling pumasok sa skul, sa trabaho, o kung saan man pupunta. At yung mga nagmamadaling mamatay.

Dito ka rin makakarinig ng ibat-ibang klaseng music na puro remix ang dating! Mantakin mong kaya nilang gawing hip-hop ang kantang Green Green Grass of Home at My Way! Madalang ka rin makarinig ng mga love song dito kundi puro rap at hip-hop songs lang. Kaya kung medyo senti ka, wag kang sasakay dito!

Patok nga siguro ang jeep na ito sapagkat madalas hindi lang ito puno ng pasahero kundi punong-puno sapagkat marami ang gustong sumabit sa ganitong jeep. Ito naman yung pasaherong madalas mag-123 o hindi nag-aabot ng bayad. Dahil nga sa mahirap mapansin kung hindi ka nagbayad dahil sa marami din ang nakasabit na pasahero tulad mo, madalas nakakalibre ng pasahe ang ganitong mga pasahero. At maliban sa gusto nila ng Free Ride, ito rin yung mga pasaherong gustong gusto ng Pinoy Drift, Patok na Jeep version.

Simple lang ang gustong ipahatid na mensahe ng mga Patok na Jeep, “Magbayad ng maaga, bago mamatay ng maaga.” at “Barya lang po sa umaga para di maabala ang driver na bumibira!”

Advertisements

Biyahe ng Buhay

Blog Ong, BLOG ONG Short Thots!

Mas masaya bumiyahe sa umaga kaysa sa hapon.

Masaya sa umaga sapagkat halos lahat ng kasabay mo sa jeep, o sa bus, o sa LRT/MRT ay bagong ligo, nakaayos, mabango, at punong-puno ng energy.

Di na ganun kapag hapon at uwian na. Iba’t-ibang mukha na ang makikita mo sa loob ng jeep, halos lahat na ng pasahero pagod na sa maghapong paggawa. Mahahalata mo kasi yung iba inaantok, yung iba tulog na, yung iba naman nakatulala, may malalim ang iniisip at yung iba naman mainit na ang ulo. Di na rin maaliwalas ang mukha at iba na rin ang amoy ng iba. May oily na ang mukha, basa ang damit sa pawis, at yung iba naman tuyot na ang bibig.

Kapag umaga marami pa rin ang mga nagmamadali pero madalas nakangiti pa rin habang nakikipagunahan na para lang mga contestants sa Amazing Race. Nag-iiba ito kapag hapon at uwian na. Madalas galit ang mga ito sa pakikipag-unahan na para bang End of the World o 2012 na at kailangang makauwi agad.

Tuwing umaga, ganado ang lahat at nasasabik sa maghapong paggawa. Punong puno ng pag-asa ang iba at may baon pang matamis na ngiti. Nag-iiba ito tuwing hapon sapagkat maaaring ang iba nagtagumpay sa kanilang mga layunin ngunit ang iba naman hindi. Yung iba wala ng halos pag-asa kapag uwian at wala na halos maaninag na ngiti sa kanilang mukha.

Marami pa ang pagkakaiba ng umaga at hapong eksena sa loob ng jeep. Ngunit kung meron mang ipinagkaiba ang hapon sa umaga ay ang pagkakataong matuto sa mga nangyari sa buong araw. Binibigyan tayo ng pagkakataon upang unawaing mabuti ang mga ginawa natin maghapon. Kaya ito siguro ang dahilan kung bakit kapag uwian na sa hapon marami ang nakatulala, at nag-iisip ng malalim, nakapikit at ipinapahinga ang isip, at ang iba’y idinadaan sa tulog. Binibigyan tayo ng hapon ng pagkakataong pagsisihan ang mga nagawa nating mali sa buong araw at itoy ituwid kinabukasan.

Sa hapon, nabibigyan tayo ng pagkakataon na muling makapagpahinga at para makaipon ng lakas para sa darating na bagong umaga. Paggising natin sa umaga, nasasabi natin na marami tayong matutunan ngunit ang totoo sa hapon talaga tayo natututo.

Ganito ang mensahe ng isang araw sa buhay ng tao… ang mundo ay totoong umiikot ng hindi natin namamalayan. Gigising tayo tuwing umaga upang sulitin ang maghapon. Sasakay sa jeep upang pumunta sa kung saan, at hindi natin namamalayan na hapon na at kailangan na ulit nating pumara sa isang araw ng BIYAHE NG BUHAY.

Tunay na Kalungkutan

Blog Ong, BLOG ONG Short Thots!

Hindi lahat ng taong tumatawa, nagpapangiti, at nagpapasaya sa iyo ay masaya ang buhay.

May mga kaibigan tayo, kamag-anak, kamag-aral, o kapitbahay na akala natin ay totoong masayahing tao sapagkat ito ang nakikita natin sa kanila. Ngunit hindi natin batid na kung sino pa yung mga taong madalas nagpapatawa sa atin ay sila pala yung mga taong malungkot kapag hindi natin sila nakikita.

Sila yung mga taong may malalim na kalungkutan sa dibdib. Sila yung mga taong ikinukubli ang tunay na anyo ng kanilang puso sapagkat ayaw nilang masaktan ang mga taong kanilang napapasaya at napapatawa. Sila yung mga taong mas nanaisin pang magtiis ng kalungkutan at ikubli gamit ang masayahing mukha, huwag lamang maapektuhan ang mga taong nasa paligid nila. Gayunman, sila ay nagdurusa sa loob at unti-unting namamatay sa tinatawag na tunay na kalungkutan.

Sa likod ng matamis na ngiti at malakas na tawa mula sa kanilang mga bibig ay isang malungkot na payaso.

Sadyang may mga taong ganito magisip, “di bale ng ako ay malungkot sa loob at lihim na nag-iisa, kung marami naman akong napapatawa at napapasaya.’

Pagpapanggap?

Blog Ong, BLOG ONG Short Thots!

Hindi lahat ng nakikita ng ating mga mata ay tunay na anyo ng isang bagay.

Madalas tayong makakita ng taong grasa, pulubi, nagpapalimos na bulag at pilay, mga adik at rugby boys, at mga baliw sa lansangan. Madalas nating sabihin na sila ay mga biktima ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Ngunit sa isang banda, hindi ba posible na ang mga taong ito ay mga aktor lamang sa drama ng buhay na kung tawagin ay PAGPAPANGGAP? – ginagawa upang tignan ang tunay na anyo ng mabuti at masama.

Paano kung ang taong grasa na iyong iniiwasan ay siya pala ang nagmamay-ari ng isang pilantropong kumpanyang bumubuhay sa iyo?  Nagpanggap upang tignan kung kaya mo ding gawin sa ibang tao ang kabutihang ibinibigay sa iyo?

Paano kung ang pulubi na pinaghihinalaan mong snatcher ay isa pa lang secret agent upang manmanan at bantayan ang kapayapaan ng isang estado? Nagpanggap upang pag-aralan ang pagiging mapagmatyag ng mga mamamayan ng isang bansa.

Paano kung ang namamalimos sa iyo sa daan ay isa pa lang terorista na nag-aaral ng bawat galaw, kilos at ugali ng mga tao sa paligid ng Malacanang sa nalalapit na pagbomba dito? Nagpapanggap upang tignan ang higpit at luwag ng seguridad ng lugar.

Paano kung ang rugby boys na nakikita mong adik na adik sa rugby na nasa supot ay mga alien pala na sumanib sa katawan ng tao upang pag-aralan ang pagwasak sa lahi at sibilisasyon sa mundo. Nagpanggap upang sukatin ang hangganan ng kakayahan ng mga buhay na nilalang.

Sa ibang banda, paano kung ang bulag na hindi mo tinulungan ng humingi ng tulong sa iyo upang tumawid sa kalsada ay siya pala  si Jesus na nagbigay sa iyo ng liwanag ng ikaw ay nasa dilim? Hindi ba at maaari na siya si Jesus na naghihintay lamang ng hudyat ng Diyos upang iligtas ang mundo sa nakatakdang paghuhukom.

Nagpanggap maging taong grasa, bulag, at pulubi upang tignan isa-isa ang mga taong karapat-dapat sa kabutihan ng Maykapal. Hindi natin alam na ang taong grasa na ating pinangdidirihan ay siya pala si Jesus na magpapataw ng hustisya at kaligtasan sa lahi ng mga tao.

Ang buhay minsan ay pagpapanggap lamang, sapat na dahilan upang tayo ay dapat maging totoo sa ating sarili at sa lahat ng bagay.

Paglahong Walang Bakas!

Blog Ong, BLOG ONG Short Thots!

Taon-taon, maraming tao ang nawawala at namamatay ng hindi natin alam ang tunay na dahilan.

Nakakita ka na ba ng ikinalat na piraso ng papel, tissue, o isang pilas ng notebook sa kung saan? Maraming ganito sa ilalim ng upuan ng jip, tren ng LRT o MRT, sa sinehan, sa paaralan, sa simbahan, sa kama, at sa iba pang lugar na kung saan lihim at hayag itong isiniksik o itinapon.

Madalas hindi natin ito pinapakialaman o binabasa kung may nakasulat o nakaukit man, sapagkat ito ay basura nga naman ng ibang tao. Ngunit madalas hindi rin natin batid na ang mga papel na ito ay maaaring naglalaman mensahe ng pagpapakamatay, liham ng pagkagalit sa mundo at tao, o di kaya naman sulat ng pamamaalam ng mga taong hanggang ngayon hindi pa rin natin batid kung bakit bigla na lang silang naglaho sa mundo na walang anomang bahid ng ebidensiya.

Sapagkat ang papel na maaari sanang makapagpaliwanag ng kanilang paglaho ay nilamon na ng basura. Hindi nabigyan ng pagkakataon upang mabuklat at mabasa at malaman ang mensahe nito.